« Gabi sa Ilog | Main | Sanaw »

Jornal Entri #4 (Muling Pagbalik)

Marami talagang mga bagay ang nagbabago sa mundo. Madalas, hindi natin ito namamalayan. Pero katulad ng maraming pagbabago, marami rin ang muling bumabalik. Maraming mga alaala ng nakalipas ang unti-unting bumabalik at nagbibigay ng pagbabago sa ating sarili.

Katulad na lang ng nangyari sa akin pagpasok ng bakasyon. May mga bagay na muling inasikaso, inalam, at muling binalikan. Hindi ko alam kung anong epekto nito sa mga unang nakasanayan na o pagpapatunay lang ito na hindi tayo nahihinto sa isang gawain katulad ng isang makina na paulit-ulit ang trabaho.

Nakaraang bakasyon, marami akong mga binalikang mga gawain na tila nakalimutan ko na. Marami sa mga kaibigan ko ang nagsasabing may kinalaman dito ang pagbabago ng klima, pananaw sa buhay, pati na rin sa nararamdaman ng puso. Ito ang ilan sa mga bagay na muli kong sinulyapan at pinakialaman.

Magic cards- Huli kong laro noong bago ako magtapos sa sekondarya. Muli akong nahumaling dito pagkatapos kong makita ang ilan sa mga kaibigan ko na naglalaro ulit ng Trading Card Game na ito. Para sa akin, medyo nakatulong ito lalo na noong bakasyon dahil ito ang naging tulay namin ng mga kaibigan ko para laging magkita. Nabawasan din ang paglalaro ko ng on-line games at DOTA.

Fiction- Hindi ko alam kung paano pero nakaraang bakasyon, tila nagtampo ang mga musa ng talinghaga ko. Halos wala akong naisulat na tula sa loob ng dalawang buwang bakasyon. Mapapansin naman ito sa blog a ito. Madalang ang pag-post ko ng mga tula. Dahil dito, muling bumalik ang hilig ko sa pagsulat ng mga maiikling kuwento at ang mga nobelang di ko matapos-tapos. Hindi ko masasabing maganda ito, dahil hinahanap-hanap ko pa rin ang pagtula at bilang alagad ng panitikan na hindi nagtatapos ang pagsulat sa paglaho ng inspirasyon. Kailangan ko ito, at alam kong ito rin ang paraan para bumalik ang dati kong gilas sa pagsulat ng tula. May mga nagsasabi naman sa akin na pinipigilan ko lang ang sarili na tumula, dumating kasi ang isang araw na halos ang pagtula ay para lang sa isang taong hinahangaan o ang metapora ko ay nakukulong sa mga imaheng may kinalaman sa taong tinutukoy ko.

Folklore Research- Tumigil ako sa pagsasaliksik ng Philippine at World folklore nakaraang dalawang taon na ang lumipas. Muli ko ito binalikan noong bumalik ako sa probinsiya namin sa Romblon. Ang mga kuwento ng mga tao doon ang nagbigay sa akin muli ng inspirasyon para laliman pa ang pagsaliksik dito lalo na sa ating bansa.

At marami pa....

Katulad ng inaasahan ang buwanang pagsulat ko ng blog ay di ko na naman natuloy. Marahil katulad ng aking mga nasabi kanina, kasama ang pagsulat ko dito sa muli't muling binabalik lang.

Jornal entri para sa Abril at Mayo

                            

Comments

Post a comment

Post a comment

Name:

You are currently signed in as .