« April 2007 | Main | June 2007 »

Gabi sa Ilog

1

Naghihintay sa gabi

Ng bulalakaw.

Bigla na lang kumidlat.

2

Tanaw ang mga bitwin

Sa may tumana.

Pulong ng alitaptap?

Abril 26, 2007

Pagpapaanod

(Para kay Lola Belan)

Tila musikong umaaliw

Sa iyong pangungulila

Ang nililikhang tunog

Ng alon na humahalik

Sa natutulalang mga bato

Sa dalampasigan.

Umaasang ika'y maaliw

Habang pinagmamasdan

Ang paglisan ng iyong alaalang

Pinapaanod sa ilang na karagatan.

_

Mapapapikit ka

Sa buhanging pinasasayaw ng amihan.

Mawawala sa iyong pagtitig

Ang mga pinaanod

Ngunit nananatiling umaaliw

Sa iyong pandinig ang sayaw

Ng alon at batong

Tila naging pagpatak na

Ng bumabahang luha.

Abril 22-23, 2007

Dahon ng Talisay

Pulang dahon ng Talisay.

Lumulutang sa mabatong dagat.

Nagpapadala sa mabilis na hangin.

Sumasabay sa indayog ng ulap.

Patuloy ang paglagas ng puno

Patuloy ang pagpula ng dagat.

Abril 20, 2007

Re-Elect

Makinis ang papel

At mukha ng mga kandidato

Sa kanilang poster

Na nagkalat

Sa lubak-lubak na kalsada.

Abril 19, 2007