Kinakain Tayo ng Araw
Nagagalit ang paslit
Sa liwanag ng umaga
Dahil hinihigop nito ang kanyang mga magulang.
_
Iniaalay naman ng taga-lupa ang sarili sa alok ng dagat.
Habang dinidilaan ng init
Ng Marso, Abril, at Mayo.
_
Wala nang magawa ang magsasaka
Kung di ang magpatubig ng luha
Kapag pinapak na ng tagtuyot ang kanyang mga pananim.
_
Pati rin yata ang bakunawa at minokawa,
Naglaho na ang makulay na alamat
matapos mabaliktad at lunukin ng katiting na liwanag.
_
Ako naman, sa ilalim ng puno,
Nakakulong sa rehas ng imperyo
Ng emperador ng tanghali.
_
Hinihintay na tikman ng gutom na araw.
_
Lahat tayo, naranasan nang kainin ng araw.
Abril 10, 2007

Comments