« March 2007 | Main | May 2007 »

Masamang Pangitain ang Ulan sa Mainit na Abril

Mas nararanasan ko ang Tagtuyot

Sa biglang pagbuhos ng ulan.

Sumikip ang trapik.

Nagreklamo ang mga tao.

Nagbabadya ang kaguluhan.

_

Paparating na ang mga unos.

Abril 11, 2007

                            

Kinakain Tayo ng Araw

Nagagalit ang paslit

Sa liwanag ng umaga

Dahil hinihigop nito ang kanyang mga magulang.

_

Iniaalay naman ng taga-lupa ang sarili sa alok ng dagat.

Habang dinidilaan ng init

Ng Marso, Abril, at Mayo.

_

Wala nang magawa ang magsasaka

Kung di ang magpatubig ng luha

Kapag pinapak na ng tagtuyot ang kanyang mga pananim.

_

Pati rin yata ang bakunawa at minokawa,

Naglaho na ang makulay na alamat

matapos mabaliktad at lunukin ng katiting na liwanag.

_

Ako naman, sa ilalim ng puno,

Nakakulong sa rehas ng imperyo

Ng emperador ng tanghali.

_

Hinihintay na tikman ng gutom na araw.

_

Lahat tayo, naranasan nang kainin ng araw.

Abril 10, 2007

Red Letter Day

Pinturahan ng pula ang

Bayan sa halalan.

_

May dalawang paraan:

_

Paliguan ng kamatis

Ang mga puro pangakong kandidato

o

Paliguan ng bala

Ang mga nagrereklamong taongbayan.

Abril 9, 2007

Sa Mahal na Araw na Bilog ang Buwan at Walang Bituin

Ngayong Biyernes Santo,

Patay ang Diyos.

Tanging ang kanyang ina

Ang maliwanag

Na sumalok ng luha

Ng madilim na langit.

Abril 5, 2007

Si Momotaro ay Amerikano

Nang isama'ng aso't unggoy

Sa kaniyang paglalaboy,

Ang batang si Momotaro

Ay naging Amerikano.

_

Nang pinatay ang halimaw

Na walang kalaban-laban

Ang batang si Momotaro

Ay naging Amerikano.

_

Nang naghari sa kuwento

At nalamangan ang bobo,

Ang batang si Momotaro

Mas naging Amerikano.

Abril 2, 2007

Ipinanganak Para Subukin ang Araw

Lahat tayo,

Mula pa sa sinapupunan

Ay naghahanap na

Ng liwanag.

_

Kailangan ang liwanag

Para makakita,

Para makahakbang,

Para mabuhay.

_

Pero madalas

Nalululong tayo

Sa liwanag,

Na kapag sumobra'y

Nakabubulag

Nakapapaso

Nakamamatay.

Abril1-2, 2007

Parabula ng Isang Boyscout

Nang mapansin ng boyscout

Na siya na lang ang mag-isa sa gubat,

Di niya inisip ang maligaw

At di na makabalik sa walang alam na campsite.

Mas inuna niyang pagka-abalahan

Ang nag-iisa niyang dalang pork and beans.

Pinilit na buksan, (malamang tinamaan na ng gutom)

Pinisil nang mabuti ng kanyang dalawang palad,

Kiniskis sa mga matatandang puno,

Inuntog sa lahat ng makitang bato,

At piniga nang todo ng kanyang dalawang hita.

Hanggang sa maalala niya ang kuwento

Tungkol sa diwatang nangunguha ng lalake sa gubat,

Bigla niyang nabitawan ang dalang delata.

Saka lang ito nabuksan at tuluyang naubos ang laman

Sa pisngi ng kagubatan.

Tuluyan nang nagutom at naligaw ang boyscout

Na humihingi ng patawad sa diwata ng kagubatan.

Marso 29, 2007