« February 2007 | Main | April 2007 »

Jornal Entri #3 (Movie Marathon Ngayong Summer Vacation)

At bakasyon na. Siguro marami sa atin ang nag-iisip kung saan magbabakasyon. Lalangoy ba kayo sa dagat o ilog? Aakyat ba kayo ng bundok o burol? Maglalakad-lakad sa bukid o kakahuyan?

Sa totoo lang maraming puwedeng gawin. At isa na doon ay ang pagtambay na lang sa bahay, manonood ng pelikula habang pumapapak ng pagkaing tira sa pridyider. Marami akong gustong panooring mga foreign film at balikang ang ilang mga lumang pelikula, lalo na iyong panahon ng aking kabataan. Katatapos ko lang tumawid sa 'teen age' noong huling Anunciation. At salamat sa bakasyon at may pagkakataon akong maghanap ng mga pelikulang gusto ko talaga ulit mapanood. Ito ang sampu sa daan-daang pelikulang trip kong panoorin ngayong bakasyon.

1. Train man: Densha Otoko- Japanese film ito tungkol sa isang otaku o geek na nagkaroon ng love affair matapos niyang tulungan ang isang magandang binibini sa loob ng tren. Okay ito lalo na sa mga geek (na katulad ko raw) na wala na halos panahong makipagrelasyon o date man lang.

2. Chungking Express- wala pa akong alam tungkol dito. Pero kuwento sa akin ng isang source ay magandang love story ito tungkol sa dalawang police. Hindi ko alam kung may hawig itong Hongkong film na ito sa You Got Me. Kaya curious ako sa film na ito.

3. Gloomy Sunday (Ein Lied von Liebe und Tod)-tanging significant lang kung bakit gusto kong mapanood ang German film na ito ay iyong tungkol sa kung paano dadaloy ang film based doon sa Hungarian suicide song, ang Gloomy Sunday.

4. When the Sea Rises (Quand la mer monte...)- Tungkol ito sa surreal love story ng isang middle age plump female comedian at isang fan niya na nasa late 20s.  Napanood ko na ang Belgian film na ito noong huling CineEuropa. Gusto ko lang mapanood ng mga kakilala ko.

5. Army of Darkness- namiss ko sa film na ito ay iyong labanan ng mga kalansay at ng mga medieval people. Gandang-ganda rin ako sa concept na may futuristic man na nakapunta sa makalumang mundo. Parang Connecticut in King Arthur's court.

6. 3 Ninjas 1,2,3- ayos itong movie na ito lalo na sa mga tulad kong nagpapaka-ninja. American film na ang ang bida ay tatlong bata-- si Rocky, Colt, at Tamtam. Kuwela para sa mga tulad kong lumaki noong early 90s.

6. Bio Kids- hindi ko alam kung saan pa ako makakahanap ng pelikulang ito na base sa sikat na sentai noong dekada 80, ang Bioman. Mga early 90s noong napanood ko ito. Gusto ko ito ulit mapanood kahit nakornihan ako dahil parang kulang sa budget ang pagkakagawa ng pelikulang ito.

7. Panday- iyong original kung saan kalaban ni Flavio (Fernando Poe Jr.) si Lizardo (Max Alvarado) sa espadahan.

8. The Crow (all sequel)-mula sa comic book ni James O'Barr tungkol sa paghihiganti para sa pag-ibig. Ang bida dito ay patay na pero binubuhay para matugunan niya ang sarili para makapaghiganti sa mga lumapastangan hindi lang sa kanya pati na rin sa mga mahal niya. The best iyong unang film na si Brendon Lee ang gumanap ng The Crow. Sa kasamaang palad, ito rin ang naging kanyang huling pelikula matapos siyang matamaan ng totoong bala habang ginagawa ang pelikulang ito.

9. Puso sa Dibdib ng Samar- gusto ko lang marinig iyong malupit na line ni Mark Lapid doon... Hehehe. Tama ka, saging lang ang may puso, saging lang!

10. Spiderman 3- hindi pa ito mapapanood sa DVD, maliban na lang kung titiisin mo ang pirated copy. Masarap itong panoorin sa sinehan. Tiis lang sa siksikan sa pila ng ticket.

At marami pang pelikula....

Jornal entri para sa Marso 2007

                            

Tanging Alaala sa Punong Namumulaklak

Bigla na naman kitang naalala

Ngayong nakatayo ako sa lilim

Ng punong namumulaklak ng rosas.

_

Isang puno ng sakura, ang nakita ko,

Kaya agad kong inakyat ito

At lumambitin sa mga sanga

Habang pinapanood ang kanyang

Mga talulot na nilalaro ng hangin.

_

Ngunit, mabilis din natapos ang ligaya

Nang mapansin ko ang dumudugong palad

Mula sa kanyang sangang tinubuan ng tinik.

Tuluyan na itong naging puno ng rosas

Ang hinala ko, hanggang sa madatnan ko

_

Ang luntian mong mga dahon na namantsahan

Ng kulay ng aking lungkot at paghihirap.

Saka lang ako nagising sa katotohanang

_

Ito pala ay puno ng bougainvilla.

Marso 27, 2007

Sa Pagbibilang ng Talulot ng Dilaw na Krisantemo

Siguradong nagtataka ka ngayon

Kung bakit may dala akong dilaw na krisantemo

Pagkatapos natin mapag-usapang

Iniaalay ito sa inyong mga diyos at diyosa.

_

Hindi ko sa iyo ito inialay.

Bagkus, inisa-isa kong lagasin ang mga talulot nito

Habang naglilibang sa pariralang

"She loves me, she loves me not..."

_

Hininto ko ang pagpitas ng huling talulot

Ngayong tinititigan mo ang mga humalik sa lupa.

_

Kumuha pa ako ng maraming dilaw na krisantemo

Na nakalatag sa malamig na puntod at altar

At nagpatuloy sa paglilibang ng

"She loves me, she loves me not..."

_

Pinulot mo na parang pira-pirasong ginto ang mga talulot.

Inipon mo sa iyong palad at ibinalik sa akin.

_

Paalala mo: bilangin ko ang lahat ng ito

Katulad ng pagbilang ko ng araw sa langit.

Marso 22-23, 2007

Lumilipas na Pagtingin sa Araw

Unang umaga sa paaralan,

Gumuguhit ang bata

Ng mga linyang kumakawala sa isang bilog.

Araw ang sabi ng guro.

_

Bago mananghalian,

Nagpinta ang baguhang pintor

Ng maliwanag na araw-- literal na araw.

Araw ang sabi ng mga patron.

_

Tanghaling tapat,

Nagpinta ang tanyag na pintor

Ng mga bagay na di mukhang araw.

Ito ang araw ang sabi ng pintor.

_

Pagkatapos mananghalian,

Hindi na nagpinta ang pintor

At nagbilad na lang sa init ng araw. May araw

_

Pero hindi dilaw kung di pula ang totoong araw

Pahabol ng kaniyang kaibigang Hapon.

_

Hapon na, palubog na rin naman ang araw.

Marso 19, 2007

Fuji

Alam ko,

Matagal ka nang hindi nahahalikan.

kahit tahimik kang nakatindig

Sa alok ng langit.

_

Pareho ang hinala kong

Namumutla, nilalamig o kinukupal na

Ang iyong tuktok,

Dahil matagal na

Noong huli kang nagpaputok.

_

Natatakot ka nang muli itong gawin.

Dumadami na kasi ang mga anak mo sa Tokyo.

Marso 17, 2007

Pagdalaw sa Thermopylae

Mula sa aking paglalakbay sa kasaysayan

Ay nagtungo ako sa maalamat na lugar ng Gresya.

Dito, sa tinatawag nilang entrada ng puso ako unang dumaan.

Napatitig ako sa isang lalaking may dalang sibat at nakabaluti.

Bigla akong nagulat sa kaniyang pagtatanong.

"Estranghero, anong ginagawa mo sa lugar na ito?"

Wala akong maisip kung hindi ang gumawang palusot

Mula sa nakasulat sa kaniyang tinutungtungan.

"Aking hari, marapatin niyo sanang ipagbigay alam ko

Sa inyong kababayan ang inyong kabayanihan at katapangan."

"Kung ganoon, humayo ka at ipaalam mo rin ito

Sa iyong mga kababayan."

Tumango ako at tumitig sa itaas ng langit.

Nanatiling nakatayo habang inaalala ang nakaraan at ang nagaganap

Sa lugar na ito sa kasalukuyan.

"At bakit hindi ka pa umaalis?" Nagtanong muli ang taga-Sparta.

"Ibang-iba na kasi ang lugar na ito mula noong nakakulong pa ito sa pagdidilig

Ng dugo ng mga bayani at mananakop.

Ngayon, may kalayaan na dito

Ang mga damo at puno para abutin ng langit;

Ang hangin dumampi sa ating pisngi;

Ang ulap na maglayag patungo Mediteranyo;

Ang mga ibon para habulin ang mga ito;

At ako para sabihin ang lahat ng ito sa iyo at sa lahat.

Hindi ba masarap mabuhay ng ganito kalaya?"

Naging bato ang taga-Sparta habang nakatitig

At nakaturo ang daliri sa malayo.

Umalingawngaw ang kaniyang tinig.

"Sa mga sinasabi mong kalayaan, ako

At ang tatlong daang umiibig sa kanilang bayan nagtapos."

Marso 15, 2007 Pagtapos manood ng pelikulang 300

Lamig

Inalok mo ako

Ng ice cream. (how sweet.)

Ang sabi ko na lang sa'yo ay

"Hay, salamat."

_

"Mainit kasi ang panahon,"

Reklamo mo.

_

Pero ang totoo,

Para di mahalata ang pakikitungo natin

Sa isa't isa.

_

Kaya sa susunod,

Ako naman ang mag-aalok.

Aayain kitang magbakasyon

Sa Europa. (how romantic.)

Marso 13, 2007

Pag-asa sa Inaasahang Tagsibol

Masasabi kong

Nagsimula na ang Tagsibol.

_

Hindi pa man ako nakakakita

Ng makukulay na bulaklak

Ay alam kong doon din patutungo

Ang mga nagkikislapang luntiang

Dahon, damo, at halaman

Sa aking paligid.

_

Ang ipinagtataka ko lang

Ay nananatili pa rin sa akin

Ang mga nalagas na dahon.

Tuyong damo.

Lantang halaman.

Tila humihiling pa rin

Ng pagdilig mula sa aking puso.

_

Itong puso kong nakatanim na

Sa luntiang mundo.

Marso 11, 2007

Akihabara

Narinig ko...

_

Habang nakahinto ako sa pula ng ilaw trapiko,

May isang lalaking nanghihinayang

Sa kanyang iniwang kasintahan.

Banggit niya, "Ayos lang,

Marami pang stock ng kaparedong prototype."

_

Habang naglalakad naman ako

Patungo sa istasyon ng tren,

Nakasabay ko itong grupo ng kabataang

Naka-space suit at nagmamadali,

"Sa loob ng isang minuto, lilipad na

Ang spaceship patungo sa Nebula M78."

Ayon sa isang miyembro.

_

At habang naliligaw ako sa isang mall,

Nakita ko itong tatay na may regalong tuta

Para sa kanyang anak.

_

Ilang sandali lang nagreklamo ang anak.

"Itay, patay na po siya!"

"Ay, naku! Nakalimutan ko siyang ipa-charge."

_

Bigla akong na lowbat....

Marso 9, 2007

Masakit/Masarap

1

Tagos ang talim

Nitong may hapdi't sarap.

Mata'y nagdilim.

2

Sakal na sakal

Natin ang isa't isa.

Nakakahingal.

3

May biglang putok...

Meron kayang namatay

O mabubuhay?

Marso 7, 2007

Pagpapakabayani

(Pagkatapos ni Mishima)

_

Biglang umalingawngaw

Sa kabilang pader ng aking silid

Ang sigaw ng mag-asawang

Di na kinaya ang mundong kapos

Sa ligaya at pag-unawa.

_

Maririnig mo,

Pagkatapos ng sandaling iyon

Ang pagtagos ng katana

Ng kanilang pagtatapos at pagkamartir.

_

Inaasahan pa nila itong tumagos

Sa mga makakasaksi

Sa kanilang tinapos na buhay

At sinimulang kasaysayan.

Marso 7, 2007

Apollo

Inakala kong ikaw

Ang pinakamagandang likha,

Katulad ng pag-akala sa'yo ng makatang Intsik.

May gilas ka pang makipaghabulan at taguan sa akin.

Kaya pinilit kitang makilala nang lubusan

Sa aking panaginip.

Hinangad kong ika'y malapitan at mayakap.

_

...Nagulat ako sa aking naranasan sa piling mo.

Ikaw pala'y walang hanggang ilang sa kalawakan.

Walang kislap akong nadatnan.

Parang gusto ko tuloy ipukpok itong batong napulot ko mula sa'yo

Para lang makakita muli ng bituin

Habang kumakain ng iyong alikabok.

_

Tama na marahil,

Na hangaan ka lang mula dito.

Korona sa isipan ko,

Malayo sa yakap mo.

Marso 5, 2007

Sa Pagpasok ng Aking Tagsibol

Pumasok na ang Marso...

Hindi ko pa rin nakikitang

Namumukadkad ang kulay rosas na mga talulot.

_

Nagkamali ako,

Ang paghihintay ko yata ay wala

Sa tamang lugar.

Nananatiling luntian ang mga dahong

Pinagkakamalang kong iyong mga talulot.

_

Luntian sa buong Tagsibol.

At malamang luntian kang walang hanggan.

Marso 2, 2007

Amakusa

Ang puno ng sakura.

Tila nagdurugong Kristong

Nakabayubay sa krus.

Tahimik na nagdurusa habang nakatanim

Sa islang ito.

Patuloy ang kanilang pagdanak ng dugong

Bagong sibol-- walang bahid ng kasalanan.

_

Kasalanan bang

Sa kagandahan nito

Kami'y mamangha?

Pebrero 25, 2007

Ingay sa Luneta Japanese Garden

"Kokak...

Kerop...!!"

Sa isang matandang lanaw,

Narinig ko ang kuwentuhan

Ng mga palaka.

Ang narinig mo nama'y awitan

Ng mga palaka.

_

Sabay nagsitalunan

Ang mga palaka sa tubig.

Sabay nating narinig ang iisang tunog

Ng mga palaka.

Pebrero 20, 2007