Jornal Entri #1 (Panibagong Simula)
Maraming bagay ang nagbabago sa mundong ito. Katulad sa pagkakataong ito, hindi muna tutula ang nagmamakatang mapilit sa kadahilanang ipinangako niya sa kanyang sarili na gagawa ng jornal entri kada buwan simula sa pagpasok ng taong 2007. Ngayon na ang simula ng aking pangako. Ang katotohanan, plano ko na talaga na gumawa ng jornal noong nakaraang taon pa (Ang tema ko lang sa taong iyon ay tungkol sa pagsasaliksik ko sa Philippine Folklore). Sinimulan ko rin ito noong huling araw ng Enero 2006. Sa kasamaang palad, hindi ko ito naipagpatuloy dahil naging abala ako sa pag-aaral ng tula at sa paglikha ng mga kuwento na sa kalaunan ay hindi ko rin naman agad natatapos. Marami akong mga nais isulat sa bagong jornal na ito. Napansin ko kasi na hindi ko na natutugunan ang sarili sa kanyang nais na paglahad ng mga kritikal na bagay dahil nakakulong ako sa mga taludtod at talinghaga na bihira na lang sa panahong ito ang nakaiintindi o nakakaalam kaya nahihirapan akong idiin sa kanila ang mga iilan kong kaalaman sa pilosopiya, politika, kultura, kasaysayan, pag-ibig o kahit anong mga walang kuwentang ideya na kailangan ng malalim na eksplenasyon. Gagawin ko ito, isang tala kada buwan. Dasal ko lang na sana ay maipagpatuloy ko itong bagong simulang jornal hanggang sa mga susunod pang mga taon. Huwag sana na naman akong batiin ni Katamaran.
Jornal Entri para sa Enero 2007
