Jornal Entri #6 Pagkakataon

Pagkatapos ng halos isang taon, ngayon lang ako muli nakapagsulat sa blog na ito. Hindi dahil sa mga unang dahilan katulad ng katamaran o walang magandang tema at karanasan na dapat isulat. Ito'y ilang mga personal na bagay na inasikaso ko at sadyang hindi muna talaga ako magsusulat sa blog na ito. Sa totoo lang, pinagbigyan ko lang ngayon ang sarili ko na sumulat ngayon. Bakasyon naman e. Bukod doon, patuloy pa rin naman ang pagtula, medyo naghihigpit lang ako ngayon na mag-paskil dito.

Pagpapatuloy sa susunod....

                            

Jornal Entri #5 Jack

Madalas, dahil sa sobrang dami ng iyong ginagawa, dumarating talaga ang pagkakataong tatamaan ka ng katamaran o sa sobrang daming puwedeng gawin, hindi mo namamalayang dahan-dahan ka nang tinatamad sa mga bagay na nasimulan mo. Masasabing ningas-cogon nga isang tao kung ito'y sa umpisa lang ganado sa kanyang gawain. E paano kung dahil sa sobrang dami niyang gawain e lahat naumpisahan niya pero dahil sa pagkalito, hindi niya matapos-tapos ang isa? Masasabi mo bang ningas-cogon din ang taong ito?

Ang taong ganito ay sikat sa tawag na "Jack of all trades, master of none." Jack of all trades, master of none is a figure of speech, describing a person who is passably competent with many skills but is not outstandingly brilliant with any one particular skill. Ang totoo ay gusto niyang gawin ang lahat ng mga bagay na puwede niyang gawin, dumarating nga lang ang mga pagkakataong nagtatalo-talo ang mga hilig niya sa kanyang sarili na sa kalaunan ay nagiging dahilan para di matapos o mapaghusay ang isa sa mga bagay na ito. Kumbaga, sinalihan niya lahat ng sports event pero laging 3rd place lang ang nararating niya. Sa tingin niyo ba may pag-asang umunlad ang mga taong ganito?

Sa totoo lang, para sa akin, dapat maging jack of all trades ang mga tao kaysa maging isang ningas-cogon na talagang sa umpisa lang lumalabas ang husay. Jack of all trades dahil hindi mo kailangang maging mahusay o magpokus lang sa isang bagay. Dapat alam mo lahat, hindi ka man mahusay doon pero hindi ka maiiwan kung sakaling nag-iba ang ihip ng mundo. Ganito lang kasimple kung bakit mas maganda ang maging jack of all trades: Dahil bilog ang mundo, dapat marunong kang makigulong dito. Magaling ka ngang bumalanse sa itaas nito ngunit ang bilog ay gumugulong at maaari kang ilaglag nito kahit anong oras sa kanyang paggulong.

Naisulat ko 'to dahil sa sitwasyon ko ngayon sa kasalukuyan. Sa sobrang dami ng nais kong gawin, nagpapatong-patong na sila sa utak na sa kalaunan ay kailangan ko nang bitawan silang lahat. Marahil, mali ang ganoon gawain. Ngunit para sa akin, kailangan mo talagang itapon lahat ito at pagkatapos, isa-isa mong pulutin at dalhin. Maghihintay ang ibang naiwan kung saan mo sila itinapon. Tiyak, ang pagiging Jack mo ay hindi lang mapupunta sa pagiging ikatlo o ikalawa. May mga pagkakataon talagang may dapat ka munang ipagpahinga para maipagpatuloy mo ang ibang mga bagay.

O kung gusto mong mas umangat, ang Jack ay hindi lang dapat nakukuntento sa pag-abot sa pagiging Queen, King, o Alas. Mangarap dapat siyang maging isang Joker, dahil iyon ang nararapat para makontrol niya ang lahat ng mga bagay na inaako niya. Matutong i-juggle ang iyong mga hilig, o tulad nga ng sinabi ko kanina, matutong magpagulong kasabay ng pag-ikot ng bola.

Bilang taong nagpapaka-Jack of all trades, dapat talagang matuto bilang Joker. Tawa lang sa kabila ng napakaraming dalang bagahe.

Jornal entri para sa Hunyo at Hulyo (Halata bang napakarami kong pinagkakaabalahan kaya na-late ang pagpost nito?) ^^

Sanaw

Nagwakas tayong
Di nakikita nang sabay
Ang umaga.
_
Ngunit bago muling dumilim
Ang ating kalangitan,
Natagpuan ko
Ang iniwan mong bakas.
Umaasa ka bang susundan ko ito
Para muling sumilong
Sa iyong tagpi-tagping puso?
_
Patawad.
Sadyang huli na,
Nang madatnan ko itong biglang
Naglaho
Sa gitna ng naglalawa kong luha.
Hunyo 2, 2007

Jornal Entri #4 (Muling Pagbalik)

Marami talagang mga bagay ang nagbabago sa mundo. Madalas, hindi natin ito namamalayan. Pero katulad ng maraming pagbabago, marami rin ang muling bumabalik. Maraming mga alaala ng nakalipas ang unti-unting bumabalik at nagbibigay ng pagbabago sa ating sarili.

Katulad na lang ng nangyari sa akin pagpasok ng bakasyon. May mga bagay na muling inasikaso, inalam, at muling binalikan. Hindi ko alam kung anong epekto nito sa mga unang nakasanayan na o pagpapatunay lang ito na hindi tayo nahihinto sa isang gawain katulad ng isang makina na paulit-ulit ang trabaho.

Nakaraang bakasyon, marami akong mga binalikang mga gawain na tila nakalimutan ko na. Marami sa mga kaibigan ko ang nagsasabing may kinalaman dito ang pagbabago ng klima, pananaw sa buhay, pati na rin sa nararamdaman ng puso. Ito ang ilan sa mga bagay na muli kong sinulyapan at pinakialaman.

Magic cards- Huli kong laro noong bago ako magtapos sa sekondarya. Muli akong nahumaling dito pagkatapos kong makita ang ilan sa mga kaibigan ko na naglalaro ulit ng Trading Card Game na ito. Para sa akin, medyo nakatulong ito lalo na noong bakasyon dahil ito ang naging tulay namin ng mga kaibigan ko para laging magkita. Nabawasan din ang paglalaro ko ng on-line games at DOTA.

Fiction- Hindi ko alam kung paano pero nakaraang bakasyon, tila nagtampo ang mga musa ng talinghaga ko. Halos wala akong naisulat na tula sa loob ng dalawang buwang bakasyon. Mapapansin naman ito sa blog a ito. Madalang ang pag-post ko ng mga tula. Dahil dito, muling bumalik ang hilig ko sa pagsulat ng mga maiikling kuwento at ang mga nobelang di ko matapos-tapos. Hindi ko masasabing maganda ito, dahil hinahanap-hanap ko pa rin ang pagtula at bilang alagad ng panitikan na hindi nagtatapos ang pagsulat sa paglaho ng inspirasyon. Kailangan ko ito, at alam kong ito rin ang paraan para bumalik ang dati kong gilas sa pagsulat ng tula. May mga nagsasabi naman sa akin na pinipigilan ko lang ang sarili na tumula, dumating kasi ang isang araw na halos ang pagtula ay para lang sa isang taong hinahangaan o ang metapora ko ay nakukulong sa mga imaheng may kinalaman sa taong tinutukoy ko.

Folklore Research- Tumigil ako sa pagsasaliksik ng Philippine at World folklore nakaraang dalawang taon na ang lumipas. Muli ko ito binalikan noong bumalik ako sa probinsiya namin sa Romblon. Ang mga kuwento ng mga tao doon ang nagbigay sa akin muli ng inspirasyon para laliman pa ang pagsaliksik dito lalo na sa ating bansa.

At marami pa....

Katulad ng inaasahan ang buwanang pagsulat ko ng blog ay di ko na naman natuloy. Marahil katulad ng aking mga nasabi kanina, kasama ang pagsulat ko dito sa muli't muling binabalik lang.

Jornal entri para sa Abril at Mayo

Gabi sa Ilog

1

Naghihintay sa gabi

Ng bulalakaw.

Bigla na lang kumidlat.

2

Tanaw ang mga bitwin

Sa may tumana.

Pulong ng alitaptap?

Abril 26, 2007

Pagpapaanod

(Para kay Lola Belan)

Tila musikong umaaliw

Sa iyong pangungulila

Ang nililikhang tunog

Ng alon na humahalik

Sa natutulalang mga bato

Sa dalampasigan.

Umaasang ika'y maaliw

Habang pinagmamasdan

Ang paglisan ng iyong alaalang

Pinapaanod sa ilang na karagatan.

_

Mapapapikit ka

Sa buhanging pinasasayaw ng amihan.

Mawawala sa iyong pagtitig

Ang mga pinaanod

Ngunit nananatiling umaaliw

Sa iyong pandinig ang sayaw

Ng alon at batong

Tila naging pagpatak na

Ng bumabahang luha.

Abril 22-23, 2007

Dahon ng Talisay

Pulang dahon ng Talisay.

Lumulutang sa mabatong dagat.

Nagpapadala sa mabilis na hangin.

Sumasabay sa indayog ng ulap.

Patuloy ang paglagas ng puno

Patuloy ang pagpula ng dagat.

Abril 20, 2007

Re-Elect

Makinis ang papel

At mukha ng mga kandidato

Sa kanilang poster

Na nagkalat

Sa lubak-lubak na kalsada.

Abril 19, 2007

Masamang Pangitain ang Ulan sa Mainit na Abril

Mas nararanasan ko ang Tagtuyot

Sa biglang pagbuhos ng ulan.

Sumikip ang trapik.

Nagreklamo ang mga tao.

Nagbabadya ang kaguluhan.

_

Paparating na ang mga unos.

Abril 11, 2007

Kinakain Tayo ng Araw

Nagagalit ang paslit

Sa liwanag ng umaga

Dahil hinihigop nito ang kanyang mga magulang.

_

Iniaalay naman ng taga-lupa ang sarili sa alok ng dagat.

Habang dinidilaan ng init

Ng Marso, Abril, at Mayo.

_

Wala nang magawa ang magsasaka

Kung di ang magpatubig ng luha

Kapag pinapak na ng tagtuyot ang kanyang mga pananim.

_

Pati rin yata ang bakunawa at minokawa,

Naglaho na ang makulay na alamat

matapos mabaliktad at lunukin ng katiting na liwanag.

_

Ako naman, sa ilalim ng puno,

Nakakulong sa rehas ng imperyo

Ng emperador ng tanghali.

_

Hinihintay na tikman ng gutom na araw.

_

Lahat tayo, naranasan nang kainin ng araw.

Abril 10, 2007